SASANAYSAY SA PANAHON NG AMERIKANO
MALING EDUKASYON SA KOLEHIYO
Ni: Jorge Bocobo
Isa kayang
posibilidad na sa halip na maging tunay na edukasyon ang itinuturo sa kolehiyo
ay maling edukasyon? Ang sagot ko dito ay “oo.” Isa itong kabalintunaan,
subalit hindi maitatatwang katotohanan. Naniniwala tayong lahat sa kahalagahan
ng edukasyon sa unibersidad, kung kaya’t tayo ay nag-aaral sa mga unibersidad.
Datapwat, katulad ng mga paraan upang mapaunlad ang pamumuhay, magagamit ang
edukasyon upang magtayo, maggupo, magturo o manlinlang. Nagkaroon ako ng
pagkakataong suriin ang mga kalakaran at kaisipan sa loob ng sampung taon ng
paglilingkod sa Unibersidad ng Pilipinas. Karamihan sa mga estudyante ay
nakatupad sa inaatas sa kanilang tungkulin sa ilang aspekto ng unibersidad.
Subalit malungkot aminin na ang kilos at pag-iisip ng maraming estudyante ay
nagbibigay-daan sa pagkabansot ng isipan, sa pagkatuyo ng puso at sa pagkitil
sa kaluluwa. Tatalakayin ko ang tatlong paraan ng maling edukasyon na
binabayaran ng mga estudyante ng mataas na matrikula at di-mabilang na
sakripisyo. Una, nariyan ang di rasyunal na pagsamba sa pahina. “Ano ang
sinasabi ng aklat?” ang pinakamahalagang tanong sa isip ng mga estudyante
tuwing kakaharapin nila ang mga suliranin na kinakailangangn gamitan ng
pangangatwiran. Maraming estudyante ang halos mabaliw sa paghagilap ng
impormasyon hanggang sa maging kasintaas ang mga ito ng bundok at ang isip ay
madaganan ng datos. Wala nang ginawa ang estudyante kundi ang mag-isip kung
papaano dadami ang impormasyong hawak nila; Sa ganoon, nawawala ang kanilang
kakayahang mag-isip sa malinaw at makapangyarihang paraan. Nakalulungkot
makinig sa kanilang pagtatalo at talakayan Sapagkat dahop sila sa katutubong
sigla ng malinaw na pangangatwiran, puno ang kanilang talakayan ng walang
kawawaang argumento sa halip ng malusog na pangangatwiran at wastong pag-iisip.
Sa gayon, isinusuko ng mga estudyante ang kanilang kakanyahan sa mga aklat na
nagbibigay-daan sa pagkawala ng kanilang iwing karapatan -ang mag-isip para sa
kanilang sarili. At kung nagtangka silang gumawa ng
sariling
pasya, ipinakita nila ang kanilang pagiging pedantiko. Mananatiling mapanlinlang
ang edukasyon hanggang hindi nalilinang ng mga estudyante ang kakayahan nilang
mangatwiran sa isang tama at mapanariling paraan. Ihambing ang mga estudyanteng
mahilig sa pagkutingting sa kaalaman ng mga Juan dela Cruz sa baryo. Kakaunti
lamang ang nabasa ni Juan dela Cruz; hindi pinapurol ng di natutunaw ng
impormasyon ang kanyang iwing talino; tiwalag ang kaniyang isip sa
katakut-takot at mabibigat na impormasyong hinakot mula sa aklat. Matalim ang
kaniyang pang-unawa, mahusay ang kaniyang pagpapasya, matalino ang kaniyang mga
kuro-kuro. Pasaring na wiwiwkain niya sa matalinongt pilosospong: “Lumabis ang
karunungan mo?” Pangalawa, ginawang pangunahin at panghuling layunin ng
maraming estudyante ang pagiging mahusay at propesyunal. Ipinasya nilang maging
mahusay na abogado, mediko, inhinyero at magsasaka. Hindi na ako titigil pa
upang usisain kung gaano kabigat na sisi ang ilalatag sa pintuan ng unibersidad
dahil sa hindi makatwirang emfasis sa espesyalisasyon. Hindi maitatawang
malakas ang kalakarang naturan, subalit hindi man lamang tayo mag-isip upang
tingnan ang kabayaran nito. Isa ang ating paniniwala: naniniwala ako na walang
kabuluhan ang edukasyon kung hindi nito pinalalawak ang pananaw ng tao,
pinalalalim ang kaniyang kakayahang dumamay at pinaghahandog ng gabay tungo sa
matalinong pagkukuro at malalim na damdamin. Ngunit, paano natin maaasahan ang
ganitong bunga mula sa kondisyong kung saan na nagiging hamak na listahan ng
batas ang isang estdyante sa abogasya, isang preskripsyon ang taong magiging manggagamot,
isang pormula ang isang inhinyero? Ilan sa mga estudyante natin sa kolehiyo ang
nagbabasa ng panitikan? Hindi nga ba natin tinatanong kung hindi tunay na
kinikitil ng labis na emfasis sa espesyalisasyon nakaaakantig na pang-unawa sa
kagandahan at ang dakilang pagmamahal sa mga maiinam na bagay na taglay ng
ating mga estudyante, at maaari nilang pabungahin sa isang makapangyarihang
kakayahan? Winika nga ni Keats:” panghabambuhay na kaligayahan ang anumang
bagay na puno ng kagandahan.” Subalit batid natin na batay sa panlasa ang
kagandahan. Kung hindi natin malilinang ang wastong pagkilala sa mga kagandahan
at kadakilaan, mananatiling payak at nakababagot ang ating kapaligiran.
Maaga
tayong gumigising at lumalabas sa umaga subalit winawalangbahala ng ating
kaluluwa ang umasa ng katahimikan at ang katamisang hatid ng hamog sa
madaling-araw. Ating namamalas ang maraming bituin sa gabi, subalit para lamang
silang makintab na bato hindi binibigyan ng lunas ng kanilang maamong liwanag
ang ating puso; at hindi natin nararanasan ang nakagugulat at nakaantig ng
kaluluwang may paghaang sa dakilang pagkakaisa ng sansinukob. Tinatamaan tayo
ng pinilakang liwanag ng buwan subalit hindi natin nararamdaman ang katahimikan
sa mga sandaling ito. Minamasdan natin ang mga matataas na bundok subalit hindi
tayo naakit sa kanilang tahimik na kapangyarihan. Nakababasa tayo ng
walangkamatayang tula subalit hindi tayo maantig sa kanilang tinig, at waring
isang pangitaing madaling mawala ang kanilang malalim na kaisipan. Ating
sinusuri ang isang estatwa na taglay ang walang lipas na kagandahan ng guhit at
iba pang katangian subalit para sa atin ay isa lamang itong kopyang walang
halaga. Sabihin ninyo sa akin, iyan ba ang uri ng buhay na dadayuhin sa
kolehiyo? Subalit ang labis na espesyalisasyon na hinahabol ng mga estudyante
ng buong sigla ay itinakdang magbubunga ng ganitong uri ng buhay na walang
damdamin at sing-tuyo-ng-alikabok. Maaari kong sabihin na mahusay ang edukasyon
ng naunang salinlahi. Sinasabi ng mga nakatatanda sa atin, at sila ay may
katwiran, na hindi nalilinang ng bagong edukasyon ang puso, di tulad ng mga
naunang edukasyon. Panghuli, pinalalabo ng ganitong espesyalisasyon na nakapako
sa tagumpay sa prospesyon sa hinaharap, ang pananw sa buhay. Nanganganib na
maging makitid ang ating pilosopiya sa buhay sapagkat nasanay na tayong
mag-isip ng tungkol sa maalwang buhay na materyal. Oo nga’t kailangan nating
maging praktikal. Hindi natin lubusang masasagot ang katanungan kung hindi
natin lilinangin ang wastong saloobin at paniniwala at nang sa gayon ay
maihiwalay natin ang latak sa ginto, ang ipa sa palay ng buhay. Dapat natin
isagawa ito hindi pagkaraan ng pagtatapos kung hindi bago magtapos sa
unibersidad; sapagkat kung tapos na ang lahat, ang suma at ang kakanyahang
edukasyon ay ang pormulasyon ng layunin ng buhay, kalakip ang tanging kasanayan
sa isang aspekto ng karunungan upang
magkaroon
ng katuparan ang layunin ng buhay sa isang mabisang paraan. Subalit paano natin
maihahanay ang mga elemento ng ating pilosopiya sa buhay kung lahat ng ating
sandali ay iniuukol sa paggawa ng takdang-aralin, sa mga pag-eksperimento sa
laboratoryo at kung walang tigil ang ating pagtanggap ng impormasyon. Muli,
nararapat magsiupo ang mga estudyante sa paanan ni Juan dela cruz na kakaunti
ang pinag-aralan upang matutuhan nila ang tunay na karunungan. Madalas siyang
tawaging mangmang, subalit siya ang pinakamarunong sa mga pinakamarunong,
sapagkat natuklasan na niya ang kaligayahan ng taong nakababatid ng dahilan
kung bakit nabubuhay. Hindi taglay ni Juan dela Cruz ang kanyang kababaang-loob
ang adhika at ang ”ambisyon na labis ang taas.” Mapapahiya ang maarte at
kumplikadong alituntunin at gawi ng mga edukadong babae at lalaki kung itatabi
sa payak at matibay na mga katangian ni Juan dela Cruz. Kulang ang anumang
papuri para sa katatagan ng loob ni Juan dela Cruz sa gitna ng kahirapan.
Matibay na batayan ng isang buhay na lipunan ang pagmamahal niya sa tahanan,
kalakip ang walang balatkayong katapatan. Napatunayan na rin ang kanyang
pagmamahal sa bayan. Maaari bang matuto ang ating edukasyon kay Juan dela Cruz
o baka naman hindi sila pinagiging karapat-dapat na maging estudyante ni Juan
dela Cruz ng ating edukasyon? Sa pagwawakas, napansin ko sa mga estudyante
natin ang nakagagambalang babala ng di-wastong edukasyon. Ilan dito ang mga
sumusunod: kakulanagn sa sariling pasya ata pagmamahal sa walanglamang
pilosopiya, dahil na rin naman sa pagsamba sa pahina at nagmamadaling
paghahanap ng mga impormasyon; ang unti-unting pagkitil sa kakayahang maantig
na kagandahan at kadakilaan dahil na rin sa espesyalisasyon at ang pagpapabaya
sa tungkuling-bigyang katuturan ang pilosopiya sa buhay na bunga ng labis na
empasis sa pagsasanay tungo sa pagiging isang propesyunal.
Repleksyon:
Napakahalaga
ang pagkakaroon ng edukasyon sa buhay ng isang tao. Nakakatulong ito sa
pagpapa-unlad ng sarili at maging angkinabukasan. Nagpapalakas ito ng loob ng
isang tao para makipagsapalaran sa buhay. Nagpapatatag sa pagkatao para harapin
ang mgapagsubok at matutong lumaban sa agos ng buhay. Madalas nating naririnig
sa ating mga magulang na ang edukasyon lamang ang tanginilang maipapamana sa
mga anak kaya pinapayuhan silang mag-aral mabuti at magtapos sa pag-aaral. Ang
edukasyon daw angpamanang kailanman ay hindi mawawala sa tao at hindi mananakaw
ninuman
Comments
Post a Comment